Isang Taon ng Kapabayaan sa Kabataan at Mamamayan

ISANG TAON NI P’Noy, ISANG TAON NG KAPABAYAAN SA KABATAAN
29 June 2011

Isang taon na ang rehimeng Aquino. Ngunit nananatili pa rin ang mga suliraning kinakaharap ng samabyanan, partikular ng kabataang Pilipino.

Patuloy ang paglobo ng bilang ng mga di nakakapag-aral. Nagpapatuloy ang mga budget cuts o ang pagbabawas ng pondo at subsidyo sa sektor ng edukasyon. Kumpara sa 13% ng pangkabuuang budget sa ilalim ni Arroyo, 11.35% na lamang kay Aquino. Tinataya sa kasalukuyan na mahigit 1 Milyon na ang kabataang di nakakakapag-aral, at 2.4 Milyon na ang napapabilang sa mga child laborers dulot nito. Walo sa sampung nakatapos sa high school ang di nakakapag-kolehiyo.

Manipestasyon nito ay ang malalaking bawas sa badyet ng mga state universities and colleges (SUCs), na nagbubunsod ngayon ng gradwal na komersyalisasyon ng mga pamantasan at kolehiyong pinatatakbo ng gobyerno. Bagaman hindi nagtaas ang mga SUCs ng kanilang mga matrikula, ay nadagdagan naman ang binabayarang miscellaneous fees ng mga mag-aaral. Sa pagbawas naman sa badyet, pinakamalaki ang nabawas sa University of the Philippines na mahigit 51.85% ang naging kabuuang kaltas sa operating budget nito.

Di pa rin mapigilan ang patuloy na pagtaas ng matrikula ng mga pribadong paaralan, kolehiyo at pamantasan. Sa kabila ng mga pahayag ng Commission on Higher Education na kanilang babantayan ang mga bawat pagtataas na gagawin ng mga pribadong institusyon, ay inutil pa rin ito sapagkat di naman talaga nila nababantayan ang mga pagtataas na ito.

Patuloy ang pagbawas sa badyet sa sektor ng edukasyon at mga serbisyong panlipunan, at patuloy rin ang pagbibigay-importansya sa pambayad utang na ang mayorya ay illehitimo at makaisang-panig. Ang 823.7 bilyong piso sa pambansang budget para sa 2011 ay napunta sa pambayad-utang.

Upang “repormahin” umano ang abang kalagayan ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ay ipinatupad ng rehimeng Aquino ang K+12 Program kung saan mandatory na ang pagpasok sa Kindergarten bago tumuntong sa Unang Baitang (Grade 1). Matapos ang anim na taong elementarya, ay may apat na taong Junior High School at dalawang taong Senior High School kung saan sa dalawang taong ito ay may mga idaragdag na asignuturang naka-pokus sa practical at technical skills training tulad ng machine operation, welding, automotive, electronics, etc. at sa mga banyagang salita tulad ng French, Spanish at Arabic. Ito raw ay upang makahanap ng trabaho ang isang nagtapos sa high school nang di na kinakailangang mag-kolehiyo pa.

Ngunit sa halip na maging solusyon ay nagbabadya ang K+12 na maging isang malaking problema. Dahil sa mandatory Kindergarten at dagdag na dalawang taon, ay nagkakaproblema na sa kakulangan ng guro para magturo sa Kindergarten pa lamang. Bukod pa rito ang kakulangan ng mga silid-aralan, upuan at mesa at iba pang mahahalagang pasilidad para sa pagtuturo. Mhigit 2.6 Milyon ang tinatayang papasok sa antas pa lamang ng Kindergarten.

Ang K+12 ay hindi isang makamamamayang programa, ito ay makadayuhan. Ang isang tagong tunguhin nito ay ang patuloy na makapagpadala tayo ng mga kababayan natin bilang mga OFWs sa ibayong dagat upang matugunan ang pangangailangan sa semi-skilled labor force ng destinasyong bansa. Ito ay pagtalima rin ng rehimeng Aquino sa dikta ng mga dayuhang institusyong pinansyal tulad ng World Bank at International Monetary FUnd (IMF) bilang kondisyones sa patuloy na pagpapautang sa atin. Isang malaking ilusyon ang sinasabi umanong “sagot” ang K+12 sa problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Kung ang rehimeng Aquino ay seryoso sa kanilang pangarap na tahakin ng bansa ang “Matuwid na Landas”, marapat na kanyang bigyan ng prayoridad ang kabataan na siyang magiging tagapagmana ng lipunan. Ang pagdaragdag sa sa badyet sa edukasyon at mga panlipunang serbisyo ang kanyang dapat na bigyang importansya sa halip na ang interes ng iilang mapagsamantala.

Dapat bigyang pansin ng rehimen ang lokal na ekonomiya at magpatupad ng pambansang industriyalisasyon, sa paraang ito ay mabibigyan ng disente at nakabubuhay na trabaho ang mga nagsipagtapos sa paaralan na di na kailangang umalis pa ng bansa.

Ang sistema ng edukasyon ay dapat na may siyentipiko, maka-masa at makabayang oryentasyon. Ito ay dapat na nakatuon sa pag-unlad ng kabataan at hindi para sa dayuhan.

Hangga’t di lubusang iniintindi ng rehimeng Aquino ang mga tunay na ugat ng suliranin ng sektor ng edukasyon at ng kabataan sa pangkalahatan, anumang mga “repormang” kanyang ipatutupad ay mabibigo kung di nito tuwirang kinilala ang mga sanhi ng mga problemang ito.

Isang taon ni P’Noy, isang taon ng kapabayaan. Kabataang Pilipino, kumilos at manindigan! Ikaw na siyang tagapagmana ng lipunan!

Patuloy na kikilos ang kabataan, kahanay ang sambayanang lumalaban – manggagagwa, magsasaka at maralita para sa tunay, ganap at makabuluhang pagbabago kung mananatiling bingi at bulag ang rehimeng Aquino sa mga lehitimong panawagang ito.

SEKTOR NG EDUKASYON, BIGYANG PRAYORIDAD!
BADYET SA EDUKASYON, DAGDAGAN!
EDUKASYON PARA SA BAYAN, HINDI SA DAYUHAN!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s