Sa SONA ni PNoy, TANONG ng KABATAAN at SAMBAYANAN: NASAAN ang PAGBABAGO?

Hulyo 25, 2011

Anyarehhh!?
Makalipas ang isang taon, ito na ang ikalawang SONA ni PNoy, pero patuloy pa rin ang pagdarahop ng nakararaming mamamayan. Nagbitaw na ng mga matatamis na pangako at pagpapa-asa sa mga repormang magtataguyod umano sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Ngunit mula noon hanggang sa kasalukuyan, HINDI MARAMDAMAN ang tuwid na landas at ang kung walang corrupt, walang mahirap.

Matinding pagkaltas sa badyet ang dinanas ng sektor ng edukasyon. Sa panahon ni Arroyo, nasa 13% ang kabuuang alokasyon sa pambansang badyet para sa sektor ng edukasyon, ngunit ang kakapirangot na alokasyong ito ay mas pinaliit pa ng 11.35% sa ilalim ni Aquino.

Sa kabuuang paggastos ng estado para sa edukasyon, nasa 2.44 porsyento lamang mula sa Gross National Product (GNP) ang inilaan, ayon sa datos ng Freedom from Debt Coalition.

Garapalang pagtataas sa matrikula at iba pang bayarin ang naganap sa loob ng isang taong panunungkulan ni Aquino, at nagmistulang inutil ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa kawalang aksyon nito. Nangako silang pagpapaliwanagin ang mga may-ari ng mga pribadong unibersidad, at tulad ng inaasahan, ito ay nanatiling pangako.

Kahit na di nagtaas ang matrikula ang mga kolehiyot unibersidad na pinatatakbo ng estado, nagtaas naman ito ng mga miscelleaneous fees, sa kabila ng pahayag rin ng CHED na walang pagtataas ng anumang bayarin sa mga SUCs (State Universities and Colleges).

Manipestasyon ito ng resulta ng hayagang pag-abandona ng pamahalaan ni PNoy sa kabataang Pilipino, kaya naman may 1 Milyong di nakakapag-aral at 2.4 Milyong child laborers.

Nagpatuloy rin ang pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin, gasolina at pamasahe habang walang pagtaas sa suweldo ng mga manggagawa. Walang nagawang mga paraan ang estado kahit sa simpleng mapagaan ang epekto ng implasyon at pagtaas ng mga bilihin.

Mas pinili pa ng estado na unahin ang pag-akit sa mga dayuhang imbestor at pagpapaganda ng credit worthiness o ng pagiging karapat-dapat na pautangin. Malinaw na walang balak ang pamahalaan na ialis sa pagkabulid sa dayuhang utang ang Pilipinas.

Nananatiling sunud-sunuran si PNoy sa dikta ng kanyang imperyalistang amo, ang Estados Unidos, sa pamamagitan ng mga institusyong kontrolado nito  ang International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB), sa halip na makinig sa kanyang tinatawag na kanyang boss  ang sambayanang Pilipino.

Tapal Solutions: Mga Solusyong Panakip Butas
Ipinagmamalaki ni PNoy ang kanyang Conditional Cash Transfer Program o CCT, na nagbibigay ng Php1,400 na tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilya, kasama na ang pagpapaaral at pangangangalaga sa kalusugan. Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 2 Milyon na ang mga recipients nito.

Ngunit sa survey at pag-aaral na ginawa ng SocialWatch Philippines, nakitang wala sa antas na maituturing na poorest of the poor ang mga naging recipients. Ayon rin sa naturang survey, ang isang bagay na makatutulong sa kanilang pag-unlad ay ang pagkakaroon ng sapat, disente at nakabubuhay na trabaho.

Ang isa pang katotohanan ay ang badyet na inilaan para sa CCT ay inutang pa mula sa World Bank, na nagdagdag na naman sa kasalukuyang utang na mahigit Php4.7 Bilyon na ayon sa datos mula sa buwan ng Abril 2011. Sa halip na solusyon ay nagbabadya pa ito ng mas malaki pang suliranin sa hinaharap.

Ang PPP, o Public-Private Partnership ay ang programa ng pamahalaan upang akitin ang mga pribadong kumpanya sa pagtatayo at pag-debelop ng imprastraktura at mga serbisyo tulad ng daan, kalye, tulay, transportasyong masa tulad ng MRT at LRT at iba pang pampublikong pasilidad.

Sa malalimang tingin, ito ay walang pinag-iba sa dating mga nakatindig nang Build-Operate-Transfer (BOT) na proyekto, iniba lang ang pangalan nito. Ito ay ipinatupad noon pang 1980-81 bilang pagtalima sa structural adjustment program (SAP) ng IMF-World Bank.

Di malinaw ang tunguhin ng PPP. Bukod pa rito potensyal itong pagmulan ng katiwalian at anomalya sa mga kontratang ipapasok dito, halimbawa na lamang ang NBN-ZTE. Dahil sa ito ay sa pangunahin ay patatakbuhin ng mga pribadong kumpanya ay asahan ang pagmahal at mataas na presyo para sa paggamit nito. Halimbawa nito ay ang mga daang NLEX, SLEX, SCTEX, etc.

Sa PPP, ang serbisyo ay magiging negosyo. Di nito tuluyang masusulusyonan ang kakulangan sa imprastraktura at serbisyo.

Sa sektor ng edukasyon ay buong pagmamalaki ng pamahalaan ni PNoy ang K+12 Education Cycle na siyang magreresolba raw sa suliranin sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Daragdagan ng dalawang taon ang kasalukuyang sampung taong edukasyong primarya, at ang kindergarten ay kinakailangang pasukan ng mga bata bago makatuntong sa unang baitang. Ang dalawang dagdag na taon ay gagawing senior high school kung saan pag-aaralan dito ang mga practical skills na tulad ng welding, automotive technology, machine operation at basic computer skills kasabay ng mga banyagang salita tulad ng Arabic, French at Chinese. Ito raw ay naglalayong maging mahusay sa pandaigdigang antas (global competitiveness) ang mga high school graduates at madali silang makakauha ng trabaho nang di na kailangan pang mag-kolehiyo, isang manipestasyon ng Labor Export Policy ng pamahalaan na sisiguruhing may malaking labor force na ipapadala sa ibang bansa. Hindi para sa pambansang kapakinabangan, kundi para sa dayuhan. Dahil sa walang lokal na industriya ang bansa, pangunahin itong nakasandig sa labor export.

Subalit sa liit ng badyet para sa sektor ng edukasyon na inilaan ng pamahalaan, at ang kawalan ng DepEd na kumuha ng mga regular na magtuturo para sa antas Kindergarten, kasama na ang kakulangan sa mga silid-aralan, nakaambang maging malaking problema ang K+12 sa nalalapit na hinaharap.

Samakatuwid, ang mga programang nabanggit na siyang ipinagmamalaki ni PNoy ay maihahalintulad sa isang lumang tubong sira-sira at tumatagas, na kahit anu pang tapal ang gawin, kung hindi papalitan ang tubo ay patuloy lamang na tatagas. Ito ay panakip-butas lamang upang masabi lamang na may nagawang pagbabago, subalit kung titignan sa esensya, wala itong kwenta.

SONA ni PNoy = Patuloy na pagdarahop
Asahan na natin na puros paninisi lamang sa nakaraang administrasyon ang lalamanin ng SONA ni PNoy. Wala tayong dapat asahan na kanyang tutugunan ang suliranin ng mamamayan  mababang sweldo, kontraktwalisasyon, mataas na bilihin at gasolina, pagtaas ng matrikulat bayarin  at ang tanging maasahan lamang natin ay patuloy na tatahakin ni PNoy ang daang tinahak ng administrasyong Arroyo  ang dating daan tungo sa krisis.

Malinaw ang kanyang pagkiling, hindi sa mamamayang Pilipino kundi sa dayuhan. Iniiwasan niya ang mga pakiusap at hiling ng manggagawang Pilipino para sa makatarungan at nakabubuhay na sahod, kaseguruhan sa hanapbuhay at pagpigil sa kontraktwalisasyon. Patunay rito ang kaso ng mga manggagawa ng Hanjin Heavy Industries Construction Philippines (HHIC-P), na patuloy na bulag ang pamahalaan sa hayagang paglabag sa karapatan at pagyurak sa dignidad at pagsasawalang-bahala sa kaligtasan ng mga manggagawa rito. Natatakot siyang makanti ang malaking dayuhang Koreanong imbestor at isinakripisyo ang kapakanan ng manggagawang Pilipino. Ito ba ang tuwid na landas?

Asahan na rin nating patuloy siyang tatalimang tulad ng isang mabait na aso sa kanyang amo, ang imperyalistang Estados Unidos, at mga imperyalistang bansang kasapakat nito.

Sa loob ng isang taon na niyang pagkakaupo sa Malakanyang, mga matatamis na pangako at salitang binitiwan, at mga pagbabatuhan ng putik at paninisi sa nakaraang administrasyon, isa lang ang sagot sa tanong ng kabataan at sambayanan. WALANG PAGABABAGO. ###

YOUTH FOR NATIONALISM AND DEMOCRACY
SONA 2011

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s