Estratehiyang US 21st Century Defense sa Asia-Pacific US,‘Lis D’yan! At Standoff ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal Standoff ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal

This slideshow requires JavaScript.

Mahigit isang buwan na ang sigalot sa Scarborough Shoal sa pagitan ng Pilipinas (na tawag dito’y Panatag Shoal o Bajo de Masinloc) at China (tinatawag itong Huangyan Island); imbes na pahupa ay papalubha pa. Apektado na kapwa ang mga  mamamayang Pilipino at Tsino.

Mayaman sa lamang-dagat ang shoal at malaon nang pangisdaan ng mga Pinoy at Tsino – kaya sila ang unang apektado. Ang paninita nga ng Pilipinas at bantang pag-aresto sa mga mangisngisdang Tsino, lalo pa’t may ayuda ng warship BRP Gregorio del Pilar (binili sa US), ang pinagsimulan ng gusot. Umatras din agad ang BRP del Pilar at pinalitan ng dalawang maritime vessel – ang BRP Pampanga at BRP Edsa. Tinapatan ito ng China ng maraming barkong pandagat at mga bangkang pangisda  (hindi bumababa sa bilang na 10 at magkaminsa’y lampas ng 30).

Umabot hanggang cyber space ang tunggalian: Inatake ng ilang Chinese hackers ang website ng Pag-asa at ng UP. at nagsagawa ng kontra-atake ang mga hackers na Pinoy sa ilang website ng China. Kinansela ng China ang byahe ng mga turistang Tsino at binawasan ang byahe ng pampasaherong eroplano nito sa Pilipinas.

Sa mahigit 10 taong pag-eexport ng saging ng Pilipinas sa China, bigla’y hindi pumasa ang mga ito sa “quarantine” – may peste daw na galling sa niyog. Mahigit P20B kabuuang halaga nito ang nawaldas kasabay ng pagkabulok ng produkto sa pantalang Tsino. Susunod na idideklarang palyado sa pagsusuri ang mga papaya at pinya  — dahil mayruon daw mealybugs.  Isasara na rin ba ang pinto sa electronics at coal?

Sa girian pa lang, magiging abo na ang lumalago at papalago pa sanang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at China: US20B ang kabuuang halaga nang nakaraang taon lang. Pinagkaisahang palaguin pa sa US60B nang bumisita si PNoy duon. Hanggang pangatawanan ng US ang panghihimasok sa rehiyon sa pamamagitan ng Apec at Asean summits bago matapos ang 2011.

Idideklara ng China ang fishing ban sa pinag-aagawang lugar..Taunang ginagawa nito mula kalagitnaan ng Mayo hanggang katapusan ng Agosto. Para  makarekober at muling maistabilisa ang marine ecosystem sa pinag-aagawang lugar.

Sa itinagal ng standoff, walang narinig na pahayag mula sa alinmang mga bansang kasapi sa Asean kahit anong pananawagan ng Pilipinas sa mga ito. Ang mas  nakapagtataka ay ang “nakabibinging katahimikan” sa panig ng US. Hindi naging maingay ito kahit sa panahon ng Balikatan exercises sa katubigang malapit sa Palawan at iba pang lugar sa Pilipinas na napasabay sa simula ng standoff Nagkataon nga lang ba?.

 

Para tayong ulila, naihimutok tuloy ni Senador Joker Arroyo; at idinagdag pang irebyu nga natin ang tratado (MDT) at mga kasunduan (VFA, atbp.) sa US at kung wala namang silbi ang mga ito ay ibasura na.

Bokya pa rin ang Pilipinas sa Hayag ng Suporta ng US mula sa 2+2 Bilateral Strategic Dialogue

 

Bago lumipad ang Hepe ng Depensa Voltaire Gazmin patungong Washington (Abril 28) para sa 2+2 Bilateral Strategic Dialogue (BSD) – Secretary of State Hillary Rodham Clinton at Defense Secretary Leon E. Panetta ng US at Kalihim Panlabas Albert del Rosario at Hepe ng Depensa Gazmin ng Pilipinas – may iniwan siyang pahiwatig na ang solusyon sa standoff sa Scarborough Shoal ay makukuha nila ni del Rosario (nauna na sa kanya) sa Washington.

Tyempo ang 2+2 BSD para pag-usapan ang sigalot pangsoberanya ng Pilipinas at China sa shoal. Mahirap ang nakabitin sa balag ng alanganin. Ano ang pahayag ng US mula sa BSD hinggil sa standoff?

Walang pinapanigan ang US sa alinman sa dalawang bansa sa nagaganap na sigalot; gayunma’y patuloy itong tutulong para magkaruon ang Pilipinas ng kapabilidad sa mga sasakyang pandagat,

Ibig sabihi’y redahan muna ang gera; at unahing maihanda sa laban ang proxy niya sa gera.: May order pa ang Pinas na dalawang WHEC (weather high endurance cutters). May isang iskwadron pa ng fighter planes.Pagkikitaan pa ang maraming na-decommission na mga kasangkapang pandigma dahil sa tinapos na gera sa Afghanistan at Iraq. Sana nama’y huwag nang baklasin ang mga sensors, kanyon, atbp. ng mga coast guard cutters tulad sa BRP del Pilar — para hindi nabubrusko na tulad ng ginagawa ng Tsina!

At kailangan munang makongkreto ang tinatawag ni Panetta na “deliverables” mula sa panig ng Pilipinas sa BSD: Hinggil sa paglulugaran ng kanyang mga bapor-de-gera at mga eroplanong pandigma. At pagbibigay dito ng karapatan sa pagbisita (visitor’s rights) — para magamit ang mga pasilidad pandagat (mga pantalan at daungan) at panghimpapawid (mga paliparan at kalayaan sa paglipad). Ito ang disenyo ng bagong estratehiyang militar ng US, ang  21st Century Defense.  Para sa dominasyon nito sa militar at ekonomya sa Asia-Pacific  At mapigilan ang tuluy-tuloy na paglakas ng Tsina sa ekonomya at militar sa rehiyon.

Saka bibigyang-diing muli ang kahalagahan ng Mutual Defense Treaty (MDT) at ng implementing agreement nitong Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang katulad na mga kasunduan – Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) at Military Logistics Support Agreement, iba pa, “….biilang saligan ng malakas na alyansa at patuloy na halaga ng tratado sa pagkakamit ng kapayapaan at prosperidad sa Asya Pasipiko.

Kalakip ang panglalamuyot (pang-uuto ang saktong salita) ng Superpower sa kanyang maamo’t masunuring neokolonya: “….ito ang panibagong kabanata ng lumalakas na pagtutulungan ng US at Pilipinas na pangunahing nakapokus sa seguridad at ekonomikong kahalagahan ng Asya Pasipiko, na magbubuo ng mga bago at sistematikong multilateral na mga institusyon.”

 

                Paplantsahin na lamang lahat sa nakagayak nang state visit ni PNoy sa US ngayong Mayo o kung kalian man abisuhan ito.

Sino ba talaga ang may soberanong karapatan sa Scarborough Shoal?

 

Sinasabi ng Pilipinas na ito ang may soberanong karapatan sa tinatawag nitong Panatag Shoal at Bajo de Masinloc. Bahagi ito ng teritoryo ng Piklipinasayon sa mapa ng mga mananakop na Espanyol. Pasok ito (124 nautical miles) sa itinakdang distansya ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (Unclos) mula sa pampangin ng isang bansa. At nasa saklaw ng tinatawag na exclusive economic zone (200 nautical miles.).

Iginigiit naman ng China ang historikal na soberanong karapatan sa tinatawag nitong Huangyan Island mula pa ng Yuan Dynasty, nakapaloob ito sa Saligambatas ng People’s Republic of China,  at suportado din diumano ng internasyunal na mga batas – halimbawa’y ng Unclos din? Tingnan natin….

Hinahamon ng Pilipinas ang China na gawing tagapamagitan ang Unclos at ipaubaya sa International Tiibunal on the Laws of the Sea (Itlos) ang paglutas sa pangsoberanyang sigalot.

Kamukat-mukat, heto ang pasabog na datros mula sa pananaliksik ng kolumnistang si Rigoberto Tiglao na inilabas sa kanyang kolum na Outlook  sa Philippine Daily Inquirer (Mayo 10, 2012):

Niratipika ng gubyernong Marcos ang Unclos (1984) pero hindi niratipika nito sa kabuuan ang tratado dahil sa ilang isyu – mga isyu ng soberanya.  At kalakip nito ay  dokumento na nagdideklara na, “walang anuman sa tratado na tumutugon sa kanyang inaangking mga teritoryo.” At  sa parapo 4 ng dokumento ay inlinaw pang, “Ang paglagda sa anupamang paraan ay hindi makakasira o magpapanganyaya sa soberanya ng Pilipinas sa alinmang teritoryo na ipinatutupad ang soberanong kapangyarihan, tulad sa Kalayaan Islands at katubigan sa palibot nito.”

Sa gayon, ang Pilipinas ay hindi bahagi ng Unclos kaugnay ng sigalot pangsoberanya tulad ng sa Scarborough!

Ang China?  May sariling mga kwalipikasyopn ang Tsina nang ratipikahin nito ang Unclos (1996); hinggil din sa mga isyu ng soberanya ayon sa deklarasyon na: “pinagtitibay ang soberanya nito sa lahat ng arkipelago at mga isla na naitala na sa Artikulo 2 ng Batas ng People’s Republic of China sa teritoryal na dagat nito at magkakarugtong (contiguous) na sona, na isinabatas 25 Pebrero 1992.”  Ang sinasabing batas ay nagdideklarang bahagi ng China ang tinatawag nitong Zhongsha Islands, na kinabibilangan ng Huangyan.

Ibig sabihin, ang Pilipinas at Tsina – ang tutuo, ang nakararaming mga bansang nagratipika sa Unclos – ay hindi kumikilala sa tratado pagdating sa pagpapasya sa mga pangteritoryong sigalot.

Hindi niratipika ng US ang Unclos – tulad ng iba pang pandaigdigang tratado; laging ipinagpapalagay na nasa ibabaw  ito ng lahat ng mga ito.

Ang ahitasyon ng soberanya ng Pilipinas – sa pang-uupat ng US — ay lalong titindi sapagkat  ang pinag-aawayang shoal, liban sa sagana sa lamang-dagat, aymay mayamang reserba ng langis na umaabot sa 213B bariles  ayon sa U.S Energy Imformation Administration (2008), at iba pang yamang-mineral.

Mapakla at Mapait ang Soberanyang Hinog sa Pilit!

Bago pa ang standoff, nagbabala na ang China sa Pilipinas sa pagpayag nitong kaladkarin ng US sa mga bagong pakana nito sa Asya; na kailangang mamili ito sa pagitan ng tunay na kaibigan at sa iba (ang US) na gagawin itong pasikatero.

 

Sa US talaga galit ang China – dahil sa pang-uupat nito hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang mga bansa ng Asean na i-etsapwera ang China sa mga kooperasyong ekonomiko at militar sa rehiyon, tulad sa Trans-Pacific Partnership (TPP), gayong tagalabas ito. Talampakang pagpapawalang-saysay sa pagsisikap ng Tsina sa kooperasyong pang-ekonomya – tulad ng malayang kalakalan hanggang sa pagtatanggal ng taripa sa hinaharap, gayundin sa panimulang code of conduct sa pinag-aagawang mga lugar at pagtataguyod ng mapayapang solusyon sa mga ito.

Malinaw sa China na sa Asya-Pasipiko naman gustong maghari-harianan ng US – tulad ng ginawa at ginagawa sa iba’t ibang panig ng mundo. Laluna na nang mabigo sa Afghanistan at Iraq at hambalusin ng matinding krisis ang kapitalista/imperyalistang mga bansa kabilang ito.

Masarap pakinggan ang salitang soberanya na kakabit ng standoff ng Pilipinas at China sa Scarborough. Madaling mahila ang sentimyento ng sinuman sa panig ng sariling bayan. Ipinakikipaglaban ito kahit pa ng maliit at mahinang bayan. Dahil inaasahang nagmumula ito sa pinakamatapat at malalim na kaibuturan ng sinupamang tunay na nagsasarili at malayang sambayanan.

Ano nga pala ang tawag natin  sa pinag-aagawang lugar? Bajo de Masinloc. – sabi ng mga mangisngisda ng Zambales. Panatag Shoal, sabi ng gubyernong Pilipino. Scarborough Shoal ang internasyunal na tawag dito. A, ang Karburo – sabi naman ng iba pang mga Pilipinong nangisngisda duon (malinaw na korapsyon na ng Scarborough).  Anuman, pahayag ni Abigail Valte, isa sa mga tagapagsalita ni PNoy, basta ipaglalaban natin ang soberanong karapatan natin dito ayon sa Pangulo.

Ano ang tawag dito ng China? Huangyan. At wala nang iba pa. Sa mababang paaralan pa lamang ay itinuturo na sa lahat ng mga batang  Tsino na ang Huangyan ay bahagi ng teritoryo ng Tsina. Nasa batas ito ng People’s Republic of China. At tinitindigan nito hanggang sa Unclos.

Teriitoryo; gaano ba kalalim ang ating kamalayan hinggil sa pambansang teritoryo na kakambal ng usapin ng soberanya? Ayon sa ating Saligangbatas, hindi pinahihintulutan ang mga dayuhang tropa, pasilidad, base sa ating pampang.

Mapakla’t mapait ang sobranyang hinog sa pilit – laluna sa upat ng dayuhang nagkakait nito sa bayan at mamamayan sa mahaba nang panahon. Tanging sambaynan ang tunay na magpapahinog dito.

Ibasura ang MDT, VFA at ipang kaugnay na mga kasunduan!

Tutulan ang presensyang military ng US sa Pilipinas!

Huwag payagang maging collateral damage tayo sa labanan sa kapangyarihan ng  US at China!

Ipaglaban ang tunay na soberanya ng Pilipinas!

Labanan ang imperyalismong US!

Ipaglaban ang tunay na pambansnag kasarinlan at demokrasya!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s