Tutulan ang Cybercrime Prevention Act of 2012! Ipaglaban ang Demokratikong Karapatan ng Mamamayan!

Inilabas na ng rehimeng US-Aquino ang pangil nito sa sambayanan. Ipinapakita na nito ang lantarang pagiging kontra-mamamayan at hayagang pagsisilbi sa interes ng iilan. Desidido itong mambraso at ipakita sa lahat ang kapasyahan nitong kitlin ang malawak na disgusto ng mamamayan laban rito. At yaon nga ay nasimulan na. Ang pagsasabatas ng Republic Act 10175, o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Layon lamang nito, ayon sa mga nagpasa ng batas na ito ang protektahan umano ang madla sa mga “cybercrime” na nanamantala sa mga kababaihan at kabataan. Di nito umano sisikilin ang karapatang magpahayag. Sa una, isang animo’y napakagandang batas.

Subalit sa huling sandali ay naisingit ang ilang probisyon sa batas na magtuturing sa libelo bilang isa sa itinuturing na “cybercrime”. Ang pagpapakalat, paggusto at pagkumento sa isang “malisyoso” at “libelous” na larawan, artikulo’t mga kumento na maaaring ipakahulugan na salungat sa mata ng estado o kung sino man ay ituturing nang krimen, at puwede kang kasuhan at ipakulong nang dahil rito.

Ibig sabihin, ikaw ay hindi na maaaring maghayag ng pamumuna sa kahit na sinong opisyal, institusyon at opisina ng gobyerno. Sa ilalim ng bagong batas na ito, may kapangyarihan ang estado na isara ang iyong website, blogsite o ang mismong Twitter o Facebook account mo kapag ito ay nakitang lumabag sa mga probisyon. Dahil rito, ang simpleng pagkumento o pagpapalaganap ng mga artikulo at larawan ay mangangahulugan ng pagkakakulong ng mahigit 12 taon at multa na aabot sa PHP 200,000. Bukod rito ay bawal na rin ang pag-download ng mga pelikula at musika sa internet, gayundin ang malayang palitan ng mga files (file-sharing).

Ang batas na ito ay pinagtibay at ipatutupad sa panahong ang libelo ay hindi na itinuturing na krimen ng maraming bansa. Isa na lamang ang Pilipinas sa mangilan-ilang bansa kung saan ang libelo ay krimen. Ang batas na umiiral sa Pilipinas sa kasalukuyan ukol sa libelo ay mahigit 80 taon nang nakatindig, isang batas na produkto ng pananakop ng imperyalistang Estados Unidos, na kanilang ipinatupad upang gipitin ang makabayang damdamin at paglaban ng mga Pilipino noon. Isang patunay ng pagiging neo-kolonya ng ating bansa.

Ito ay malinaw na pagkitil sa malayang pagpapahayag. Isang layon nito ang gipitin at sagkain ang mga pamumuna sa mga patakaran at polisiya ng estado at pagtakpan ang katiwalian at kabulukan ng sistemang panlipunan at makabayang damdamin, at ilihis ang isyu mula sa mga makabuluhang panawagan ng mamamayan para sa makabuluhang badyet sa edukasyon, mataas na sahod, pabahay at sebisyong pangkalusugan para sa lahat.

Sapagkat ang neokolonyal at elitistang estado ay bingi at manhid sa mga panawagang ito, upang iwasan ang malawakang pagkilos dulot ng disgusto ng marami sa nabubulok nang sistema ng lipunang Pilipino, minabuti nito na busalan ang mamamayan.

Social media: isang larangan ng protesta ng mamamayan

Malaki ang naging papel ng social media sa mga nagaganap ngayong mga malawakang pagkilos ng mamamayan sa buong daigdig. Kasabay ng mga pagkilos at protesta sa lansangan, malaki ang natutulong ng mga social media website na tulad ng Facebook at Twitter at mga blogs gaya ng WordPress, Tumblr at LiveJournal sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos ng mamamayan. At naganap nga ang “Arab Spring” kung saan pinatalsik ng mga mamamayan ng mga bansa sa South West Asia (Middle East) ang kanilang mga diktadurang rehimen.

Sa mga bansa sa Europa, partikular ang Spain at Greece, patuloy ang malawak at malalaking pagkilos ng mamamayan upang labanan ang pagbabawas ng pondo para sa mga serbisyong panlipunan at paglalaan nito para isalba ang mga bangkong nalugi dahil sa krisis. Sa una, ang mga pagkilos na ito ay maliitan ngunit pursigido, at sa mga gawaing pagmumulat at ahitasyon sa internet ito ay lumawak at dumaluyong ang mamamayan sa mga lansangan ng Madrid, Athens, Rome, Dublin, Lisbon, Paris at iba pa.

Sa Estados Unidos, tagumpay ang mamamayang Amerikano sa paglaban sa SOPA (Stop Online Piracy Act) at PIPA (Protect Intellectual Property Act) na ang layon ay tiktikan ang komunikasyon sa internet at harangan ang anumang “iligal” na gawain sa ngalan ng paglaban umano sa pamimirata. Sa maagap na pagkilos at pagmumulat gamit ang internet, naiurong ang pagsasabatas ng SOPA at PIPA. At sa ngayong patuloy ang krisis ng kapitalismo sa Estados Unidos tulad sa Europa, patuloy pa rin ang pagkilos ng mamamayan na ang ekspresyon ay ang Occupy Movement.

Ang mga ispontanyong pagkilos na ito ng mga mamamayan na malaking bahagi ang papel na ginampanan ng internet at social media ang siyang ikinababahala ng neo-kolonyal na rehimen sa Pilipinas ngayon.

Tagong layunin: pigilin ang protesta ng mamamayan sa Pilipinas

Di lingid sa rehimeng US-Aquino ang malaking papel ng internet at social media sa mga protesta at pagkilos sa ibang bansa. Kaya naman nagkandarapa ang rehimen at kanilang mga kasapakat na busalan at kontrolin ang komunikasyon sa internet sa Pilipinas. Sa Facebook at Twitter naibubulalas ng mamamayan ang disgusto nito sa rehimen at sa sistema ng lipunang kinakatawan nito. Sa pag-unlad ng teknolohiya sa komunikasyon, ito ay naging isa sa mga kaalinsabay na porma ng propaganda bukod sa mga protesta sa lansangan.

Ang mga progresibong grupo sa ngayon ay inaasahang matinding tatamaan ng batas na ito. Ito ay ekstensyon lamang ng patuloy na panggugulo at pananakot sa mga masang aktibista na ginamit na ang internet at social media upang makapagpahayag at magmulat sa mamamayan.

Nakakapagtaka na sa panahon ng pag-alis ng maraming bansa sa mundo sa pagturing ng libelo bilang isang krimen, ay ipinapagtibay naman ang batas na ito dito sa ating bansa. Nakakapag-alala din ang ilang mga probisyon tungkol sa penalty sa mga lalabag, na mas matagal at malubha pa kaysa sa nakagawa ng regular na libelo.

Patuloy ang pagtaas ng insidente ng kagutuman. Walang malinaw na pinatutunguhan ang sinasabing “Tuwid na Daan” ng rehimen. Ang mga serbisyong panlipunan ay patuloy na winawalang-bahala upang ilaan ang pondo sa pagbabayad ng utang panlabas. Ang karapatan sa pabahay ay nananatiling isang propaganda lamang upang lokohin ang masa at patuloy ang mga demolisyon ng mga tirahan ng mga maralita.

Dahil rito, ang pagpapasa ng Cybercrime Law ay isang maagap na hakbang upang solusyonan ang malaking kakaharapin ng rehimen mula sa galit na mamamayan. Niyurakan na ng neokolonyal na estado ang karapatan sa malayang pagtitipon, at para makasiguro na ang lahat ng hibo ng mga porma ng protesta ay mawala, ito ang kanilang ginawa, ang pigilan ang protesta sa pamamagitan ng internet.

Tipikal na sa isang pamahalaang bunga ng neo-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan ang tiyakin na ang paglaban ng mamamayan ay pigilin. Sa halip na magpasa ng batas na maglalatag ng mga batayang industriya, sa halip na pairalin ang transparency at accountablity sa pamamahala, sa halip na paunlarin ang kalidad ng edukasyon para sa pambansang kaunlaran at magsisiguro ng kalusugan ng bawat isa, gagawin nito ang lahat ng paraan upang protektahan ang interes ng iilang nagsasamantala.

Makibaka, huwag matakot! Ilantad ang pasistang katangian ng Cybercrime Law!

Ilang dekada na ang lumipas, mula nung patunayan ng mamamayan na kaya nitong tumindig at lumaban sa diktadura. Wala pang internet noon, subalit sa nagkakaisa at determinadong pagkilos ay tuluyang bumagsak ang diktadura.

Ngayon higit kailan pa man ay dapat na mas igiit ang ating mga demokratikong karapatan at mga kahilingan! Ang batas na ito ay manipestasyon ng pasismo sa internet! Marapat itong ilantad at imulat itong makabagong uri ng diktadura na nagsasapanganib sa bawat isang Pilipino.

Sa halip na manlumo at mabahala, ay mas pag-ibayuhin ang protesta. Patunayan natin na hindi kailanman magagapi at matatakot ang mamamayan sa layong baguhin ang kasalukuyang sistemang panlipunan.

Marubdob na igiit sa estado ang mas dapat pagtuunan ng pansin ang mas malawak pang suliranin ng sambayanan kaysa pagtakpan ang sarili nitong kakulangan sa pamamagitan ng anti-mamamayang batas na ito.

Ang teknolohiya ay nilikha ng tao, at marapat na makatulong sa tao, at di sa kapakinabangan ng iilang mapagsamantala.

Aming mga kapwa kabataan at estudyante, tayong mga mas may panahon at kakayahang makapag-online ay dapat pangunahan ang labang ito. Ang labang ito ay para sa lahat sa kasalukuyan, at para sa mga darating na henerasyon!

Ika nga ng isang prominenteng lider-estudyante: Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi ngayon, kailan pa?

TUTULAN ANG CYBERCRIME PREVENTION ACT OF 2012!
DEMOKRATIKONG KARAPATAN NG MAMAMAYAN, IPAGLABAN!
ANG TEKNOLOHIYA AY PARA SA MAMAMAYAN, HINDI PARA SA IILAN!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s